Friday, October 28, 2005

para sa 'yo ito..

oo, para sa 'yo itong blog post na ito. madaling araw na. hindi pa rin ako makatulog. kung tutuusin, ilang araw na akong ganito. ay, hindi pala. ilang linggo na pala akong ganito. hindi mapakali. hindi mapahinga. inuumaga na, 'di pa rin makatulog. hayy.

kung sa bagay, noon pa man medyo sanay talaga akong magpuyat. pero iba ang dahilan noon. CSI ang tanging pumupuyat sa akin nung mga araw na 'yon. at noon, mga text mo ang huli kong nababasa bago matulog. tinatabihan mo rin ako.. kahit sa panaginip lang. at sa pagmulat ng mata, ang matamis mong good morning na may "Ü" ang unang bumabati sa akin. masarap ang pakiramdam ng may minamahal na nagmamahal rin sa 'yo.


ngayon, tahimik ang telepono ko. nakakaya ko na ngang mabuhay nang wala 'yon e. walang hinihintay na text. dumadaan ang tatlong araw na hindi man lang nangangalahati ang laman ng "sent" folder ko. hmm. kung tutuusin, ayos lang din siguro. nakawala ako sa "tali" ng teknolohiya. hindi na ako sumusulyap sa telepono ko minu-minuto. wala na akong inaabangan. walang hinihintay o inaasahan. gaya mo rin ngayon.


pero sa totoo lang.. nakaka-miss. 'di ko man sinasadya.. paminsan-minsan, nahuhuli ko ang sarili kong sumusulyap sa celphone ko. naghahanap ng "1 message received" sa screen. nagbabakasakali.. kahit na alam kong wala naman talaga. haha. natatawa ako sa sarili ko. pero malungkot din. hayy.

inaantok ako. pero di pa rin makatulog. parang may tape recorder sa utak ko. sinasabi sa akin ng isang pamilyar na boses, "tama na 'yan.. matulog ka na. puwede naman kasing ipagpabukas ang pc.." at gaya ng dati, sinasagot ko ito ng "oo, sandali na lang.. tatapusin ko lang 'to.." pero ngayon, totoong sandali na nga lang. totoong tatapusin ko na lang ito, tapos matutulog na ako (kung makakatulog man). hmm. nakakatawa talaga ano? sinusunod ko ang boses kung kailan wala nang nagsasabi kundi ang sarili kong isip. hahaha. kakaiba nga naman talaga.

ayoko na. pagod na talaga ako. panahon na para makalimot sa mga bumabagabag na boses. tulog lang nga siguro ang katapat nito. sana, kahit sa panaginip lang, makakuha ako ng kahit kaunting tunay na kasiyahan..

1 comment:

Anonymous said...

i think its too soon to tell...give yourself time to recover.apat na taon din yun sis. :)
ayan ha nagcomment na ulit ako! :)
mishu! :)