unang araw ng nobyembre ngayon. araw ng mga patay. maraming pumupunta sa mga sementeryo. kasama na kami doon. dadalaw sa mga puntod ng mga yumaong mahal sa buhay. makakasama ang mga kamag-anak na tuwing undas lamang nakikita. magpapalitan ng mga kwento. pag-uusapan ang mga masasayang sandali kasama ang mga namayapang minamahal. tatawa.. luluha.. habang ginugunita ang mga matatamis/mapapait na alaala. ipagdarasal ang mga kaluluwa ng mga nauna na sa langit (sa purgatoryo o kung saan pa man napunta).
++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++
namatay ang lola ko noong bata pa ako - siyam na taong gulang lang 'yata ako noon. nasa grade 3. hindi ako umiyak nung namatay siya. siguro, sa murang edad ko, hindi ko pa masyadong naintindihan kung ano ang ibig sabihin ng kamatayan. ang alam ko lang, hindi ko na makikita o makakasama ang lola ko. hindi na kami makakapagkuwentuhan. hindi na kami makakapasyal sa rustan's. hindi na kami makakakain sa paborito naming 'yumyum tree.' wala nang magsusubo sa akin ng mangga, kasama ng tanghalian ko. hindi ko na siya maririnig na kinakausap ako nang ingles. wala nang tatawag sa akin ng "nining ko.." na-miss ko si "grammy." sobra. pero hindi ako naiyak.
pagtungtong ko ng grade 4, malaki ang ipinagbago ko. naging iyakin ako sa klase. ayokong pumasok noon. laging masakit ang tiyan ko. sa kalagitnaan ng klase, bigla na lang tutulo ang luha ko. hindi ako mapalagay kapag hindi ako nasusundo sa tamang oras. gusto ko nasa bahay lang ako parati. hindi ko alam kung bakit. basta ang alam ko, kakaiba ang pakiramdam ko. natatakot. nalulungkot. pero hindi ko alam kung bakit.
ilang taon rin ang lumipas bago ko naisip na marahil, dinamdam ko nang husto ang pagkamatay ni "grammy." hindi nga ako umiyak.. pero matagal-tagal din akong nagdalamhati. 'di man naipakita sa dami ng luha, lumabas naman sa kilos. kahit 'di sinasadya. kahit 'di naiintindihan. nito ko lang nalaman na ganoon pala ako kapag may dinaramdam. tahimik. malalim. tuyo ang mga mata.. dahil puso ang lumuluha.
++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++
28 ng setyembre nang 'pumanaw' siya. mahigit isang buwan na akong nagluluksa noon.. pero nung araw na iyon tuluyang sumampal sa akin ang katotohanang wala na nga siya. umiyak ako. isang beses. matapos noon, hirap nang dumaloy ang mga luha. tuyo na ang mga mata. at nakakangiti na rin. nakakatawa paminsan-minsan. nasasabi ko na sa sarili kong masaya ako, kahit papaano.
pero ngayon, sa araw ng mga patay, nagdadalamhati pa rin ako. masakit ang mawalan ng minamahal. oo, maaaring nandito pa siya sa mundong ibabaw - humihinga, kumakain, tumatawa, nabubuhay - pero bingi na sa mga kahilingan. manhid na sa pagmamahal. buhay na nagkikilos patay.
mabuti pa sila. samantalang ang iba.. pinipilit mabuhay, kahit na patay ang kalooban. pinagsisikapang isantabi ang mga alaala. sinusubukang huwag hanapin ang mga bagay na matagal nang nakasanayan. mga nagpapakasayang zombie dito sa mundong kanilang ginagalawan.
kailan kaya sila tuluyang mababalik sa dati nilang buhay?
Tuesday, November 01, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment