warning: the following blogpost is in filipino (obviously). why? no particular reason. except that this day is sooooo totally different. i feel it warrants a different kind of post as well..
pinakamarami 'atang di-kanais-nais na pangyayari ang naganap ngayong araw na 'to. nagsimula ang lahat nang gumising ako kanina. alas-syete pasado na nang nakabangon ako. ang unang klase ko ay alas-nwebe. hala. nagmadali akong maligo, magbihis, mag-ayos at kumain. wala akong naasikasong iba kundi sarili ko. dahil nga kulang na sa oras. napagsabihan tuloy ako dito sa bahay. palibhasa wala (pa) kaming katulong.. maysakit si nanay.. at lahat kami ay pumapasok sa trabaho.. kaya karamihan ng mga trabaho napupunta sa tatay ko. tsk tsk. kawawa naman siya. na-guilty tuloy ako :(
pagdating sa eskwela, ayos lang naman ang unang klase ko. kaso kinailangan kong pumunta sa nismed para mag-moderate sa ioste convention. sige. kaya ako naman, bagaman walang sasakyan (coding kasi), sinuong ko ang init at naglakad papunta sa kabilang ibayo. pagdating ko doon, hindi ko alam ang gagawin. lahat ng mga taong nakakausap ko ay abala sa paghahanda ng mga gagamitin sa convention. hindi ko pa mahanap yung taong dapat ay ipapakilala ko. di nagtagal, pumunta na rin ako sa vidal tan hall para gawin ang nakaatas na trabaho sa akin.
pumasok ako sa a-v room ng vidal tan hall. aba. may isang kumpol ng mga intsik na nagkukuwentuhan sa harap. mga walo sila. nag-uusap sa wikang di ko naman maintindihan. nagpakilala ako - "umm. hi. i'm your moderator for today's parallel session.." pamungad ko. tinitigan nila akong waring 'di naintindihan ang sinabi ko. kaya kinausap ko sila ulit: "you are from the ioste seminar, right..?" tumango naman sila. ahhh. ok. sabi nung lalaki, magbibigay daw siya ng presentation. kaya umupo naman ako sa isang tabi.. inaakalang magsisimula na siya. PERO HINDI! patuloy siyang nakipagkwentuhan sa mga ibang intsik na naroroon.
mga kinse minuto rin akong umupo doon sa sulok. walang magawa dahil walang signal ang telepono ko doon. napipilitang makinig sa mga usapang wala naman akong maintindihan. hindi alam ang gagawin dahil wala namang nagsabi sa akin na ganoon ang mangyayari. grrr.
hindi na ako makatiis. nilapitan ko ang mga intsik. "excuse me.. but would you like to start your presentation now?" iminungkahi ko dun sa lalaki. tinignan niya ako na parang nagtataka. wala pa raw ang mga taong nag-sign up para makinig sa lecture niya. baka nasa plenary session pa raw (na nasa kabilang gusali). hmm. wala naman akong alam na delay sa schedule. "oh. but i just came from there.. and i think they've already started with the other parallel session.." sabi ko naman. "perhaps you can start your lecture in about 5 minutes? the others would probably be here by then.." tiningnan nila ako na para bang galing ako sa ibang planeta. hmm. lumabas ako ng kuwarto.. naguguluhan at iniisip kung bakit lagi na lang sa aking nangyayari ang ganitong mga bagay.
maya-maya, dumating na ang isa sa mga organizer ng ioste. humihingi ng paumanhin sa speaker. nagkaroon daw ng delay sa schedule.. kaya hindi pa matutuloy ang lecture niya nang 11.30am (11.50am na noon). sa halip, gaganapin na lang ito nang 3.30pm. HA?! may klase na ako nun! hindi na ako pupuwedeng mag-moderate. hindi ko na maipapakilala 'yung intsik na lalaking tiningnan ako na para akong bobo. hmm. sa bagay, mabuti na rin 'yon. di ko na kailangang harapin pa silang muli at magmukha ulit na clueless.
nagpalipas ako ng oras sa paborito kong book stall bago bumalik sa upis. nakipaghuntahan ako sa kaibigan kong si randy (mabuti na lang nandun na siya nung dumaan ako). bumili ako ng libro para naman maibsan ang sama ng loob ko sa paglakad sa ilalim ng mainit na araw nang wala namang kapararakan (tsk tsk.. mahaba pa man din ang manggas ng suot ko!). ibinili ko ang tatay ko ng komiks ("graphic novel" ika nga. haha). para naman mapahinga siya nang kaunti sa kagagawa ng mga trabaho sa bahay.
pagbalik sa upis, pumunta ako sa 132 para manood sa student teacher ko. ayos naman. mas tahimik ang klase kaysa dati. ok na sana.. kaso pagdating ng ikalawang seksyon, ang daming estudyanteng wala sa loob. may mga nag-uusap sa labas.. at talagang pahirapang papasukin para makinig sila sa lecture. may lumiban sa klase (samantalang nakita ko siyang palakad-lakad lang, ilang minuto lang ang nakalipas). maingay ang mga nasa loob ng kwarto at hindi nakikinig. may kung anu-ano ang inaasikaso. grabe talaga. hayy.
mabuti na lang at umulan nang malakas. naibsan nang kaunti ang inis ko. gusto kong tumawa nang malakas.. BWAHAHAHAHAHA!! MALUNOD KAYO, MGA PANIRA NG ARAW!!! pero siyempre hindi ko ginawa yon. may reputasyon naman akong inaalagaan, kahit papano, haha :p
sinundo ako ng mga magulang ko (coding nga ang kotse diba?) tapos umuwi na kami. grabe ang traffic sa katipunan. mahigit kwarenta minutos naming tinahak ang daan na kadalasan ay tinatagpas namin nang sampung minuto lang. hayy. nakakapagod din.
di na ako halos nakapagpahinga sa bahay dahil marami ring kailangang tapusin - naghugas ng pinggan, nagligpit ng pinagkainan, naglaba ng mga maruruming damit, nag-imis ng mga kalat. pagdating ng alas-sais, umalis na kami ng pinsan ko para naman pumunta sa ensayo sa choir.
ayos naman ang ensayo. medyo masaya. hindi nakakapagod. kaso, nagkaroon ng isyu na ikinasama ng loob ng pinsan ko (na kasabay ko pauwi). nagtampo siya. nanahimik at nagmukmok sa isang sulok. hayyyy. alam niyo ba kung gaano kahirap kausapin ang taong ayaw makipag-usap?! tsk tsk. kinailangan kong gamitin lahat ng aking "superpowers" para lang kausapin niya ako nang pauwi na kami.
kaya heto. pagdating ko sa bahay, pagod na pagod ako. hindi dahil sa ensayo. kundi dahil sa pagpapaliwanag sa pinsan ko. at sa pagkausap sa mga kinauukulang naiinis sa ikinikilos niya. hay naku. panalo talaga ang araw na 'to. sobra.
bukas kaya.. ano naman ang aasahan ko?! *buntung-hininga*
No comments:
Post a Comment